Nagyaya ako kay Mariel kung gusto nyang pumunta ng bahay, gusto ko din kasi syang ipakilala kay Nanay at Tatay. Pero bat ko nga ba gagawin to? Hindi ko naman sya syota, hindi ko din sya nililigawan? Unang beses ko pa lang gagawin na magpakilala at magdala ng babae sa bahay sa buong buhay ko. Katakot takot na kaba ang bumabalot sa isipan ko, kung okay lang ba sa magulang ko na magdala ako ng babae sa bahay. Sabi kasi nila na wag akong magkaroon ng nobya kung nag-aaral pa lang, dapat daw tapusin ko ang pag-aaral bago ang manligaw. Panira daw sa pag-aaral ang pumasok sa isang relasyon. Minsan daw kasi, ito na yung nagiging mitsa ng katamaran, o kaya naman naguguluhan ka daw kapag magkaaway kayo ng syota mo at na aapektuhan ang pagsagot mo sa quiz o exam.
Para sa akin lang sino ba namang tanga ang hahayaan ang relasyon nila na mag away palagi.
Pero wala nga daw na perpektong relasyon, bawat relasyon laging may away. Kung wala daw away ay parang walang selos na nararamdaman, at mabuti daw ang magselos at wag lang daw sobra. Kung nagseselos ka daw kasi, ibig sabihin nun ayaw mo mapunta ang mahal mo sa iba, at handa kang makipagsuntukan sa pitong lasing na may dalang baril at panaksak, bawat putok at saksak daw kakayanin mong tanggapin sa ngalan ng pagmamahal.
Eh para naman tanga yun, bat si Tatay, nasaksak, hindi naman sa ngalan ng pag-ibig, sa ngalan ng alak. Nag iinuman kasi sila, tapos bigla syang kumanta, hindi naman My Way ang kinanta nya, kung yun ang kinanta nya, kami na lang ni Nanay ang nabubuhay ngayon.
Ito naman si Neneng hawak ko ang kaliwang kamay, tapos hawak ni Mariel ang kanang kamay ng bata. Parang one big o small happy family kami. Kinikilig ako at naiisip ko na ang future naming dalawa. At magsasama kami ng matiwasay at hindi gumagamit ng dahas at purong pag-ibig at respeto ang bubukal sa aming mga puso. Lets go back to reality, wow kaya ko pala mag english, kaso kapiranggot lang. Tuwang tuwa si Neneng, sabi nya:
"Ikaw Kuya Lando, ikaw dade ko, ikaw Ate Mariel, ikaw mame ko" Sabay dinikit nya ang kamay namin. Tumawa sya na parang binigyan mo ng isang supot ng tsokolate.
Ito talagang batang ito, pilya. Pero salamat sa ginawa nya kinilig ako at sa unang pagkakataon, nahawakan at dumikit na ang kamay ko sa kanya, matagal ko ng inaasam ito at sa wakas nangyari na. Pwede na akong....ayaw kong mamamatay. Pwede na akong kiligin ng todo-todo. As in yung boom na boom na kilig. Habang naglalakad kami ay hiniram ni Neneng ang phone ni Mariel at akmang kukuhaan kami ng larawan. Sabi ni Mariel:
"Kukuhaan mo ba kami? Akin na ayusin ko"
Naayos ang camera ng phone at kinuhaan kami ni Neneng, ito talagang batang to, nagsisilbing tulay sa isang tulad ko na ilog na kung saan papadaloy at tatangayin. Buti na lang nandito tong batang ito kung hindi ako makakapag ani ng pogi points.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento