Sabado, Hunyo 25, 2011

IV. BABASAHIN MO BA O DEDEDMAHIN MO LANG? [MINSAN LANG AKO MAGPARAMDAM]

Pakiramdam ko ang swerte ko. Dahil sa ilang beses kong nag unli dati at itetext sya, hindi sya nagrereply. Ngayong hindi ako unli ang sigla nya magreply. Pero bitin tong load ko, titipirin ko na lang. Bahala na. Magkita na lang kami mamaya. Malapit na mag ala sais ng umaga, hindi ko pa nauubos tong kape, malamig na. Parang tanga din pala tayo noh? Kapag mainit ang kape papalamigin. Para saan pa yung pagpapakulo ng tubig, sayang sa gas. Kapag mainit yung sopas, papalamigin. Pakiramdam ko nawawala ang sarap ng pagkaing inihain na mainit kung papalamigin lang. Tapos yung mga inuming malamig, minsan naman hinahayaang uminit. Tapos minsan may mga taong kulot, gustong maging unat. May unat na gustong maging kulot. May maputi, na gustong maging morena. May morena, na gustong pumuti. Ang hirap ispelengin ng tao parang C-C-Czecho-Czechosl- teka dictionary mode ko tong 3310 kong cellphone. Oops ito pala ang tamang spelling ng “Czechoslovakia” Hindi ata tayo basta basta nakukuntento sa mga bagay na nakapaligid sa atin. Basta ako kahit anong mangyari, umulan bumagyo, gumuho man ang mundo, si Mariel parin. Nakakalimang pandesal na ako, ewan ko ba bat ang mahal ng presyo nito. Ang liit naman, pero ang mahal. Ganito lang siguro kung ispesyal ang tingin sa iyo ng mga tao. Parang ito ang tinapay na sinasamba ng nakakaraming Pilipino. Kung walang pandesal at walang kape na maituturing na pambansang inumin na din. Simula sa bagong gising nagkakape, sa mga nagpupuyat nagkakape. Sa puyatin sa lamay may kape. Kahit sa mga lasing na sinasamba ang bote ng alak na may tatak ng kabayong masaya ay iinum padin ng kape para daw mawala ang tama. Simula pa pagkabata pandesal na ang kapiling namin sa almusal, minsan may palaman. Kung wala naman ay mantikilya lang at lalagyan ng asukal para medyos maging matamis ang lasa. 4 na lang load ko, natext ko na si Mariel. At sabi ko nga ang sigla nya magreply. Nagdadalawang isip ako kung magpapaload ba ako, o sasabihin kong wala na akong load. Pero baka naman isipin nya na iniiwasan ko sya, o kaya naman isipin nya na may iba akong katext. Nako, ayaw kong masipa sa mukha.
“Kumusta? Good morning din. Kita kits mamaya sa work. Sure sabay tayo, gusto ko naman na lagi tayong magkasabay, ang saya mo kaya kausap, kahit ako lang ang nagsasalita, hehehe biro lang.”
Nakanampucha naman oh! Kinilig ang bawat kasukasuan ko sa mga nabasa kong text nya na kumpleto ang letra at hindi pinagpapalit ang 0 sa o. Kumpleto at hindi pa shortcut ang pagtetext nya na gusto kong basahin paulit ulit kasi nababasa ko ng buo. Hindi katulad ko na nasanay sa ibang paraan. Natataranta ako magreply. Teka ano ba pwedeng sabihin. Hmm. Bahala na naman ba ang buong lahi ng mga superhero?

“Ok lng nmn, kpg d n k0 nkrply l0wbat na ak0. Nwwla kc yung charger k0 eh. Kta n lng mmya. Ingat ka huh.” 
Palusot na lang. Bahala na lumusot. Iba pala ang pakiramdam kapag mahal mo ang itetext mo. Pero hindi naman nya alam na mahal ko sya. Gagawin ko bang laro to na taguan? Taguan ng nararamdaman, at kapag ba nalaman nya kung saan ko tinatago to, sya ang taya at mamahalin din nya ako? Pag-ibig nga naman parang bagyo, na ang lakas ng dating, pero kapag umalis na maiiwan akong nagulantang at gutay-gutay. Sabi ng Nanay, di bale ng masugatan ang mga tuhod ko sa pagkadapa, wag lang ang puso. Mahirap daw kasing masaktan sa pag-ibig. Eh ito pa lang naman ang unang beses na tumibok ang puso ko sa isang babae na hindi ko alam kung pinainom ba ako ng love potion. Nako bubuksan ko na lang ang telebisyon para malibang at hindi ko na muna alalahanin ang problema ng pag-ibig. Ang aga aga nakita ko agad ang crush kong artista sa isang tv program na nagsisimula twing 5:30 ng umaga. Siguro 2am pa lang nag aayos na sila ng set, parang ang hirap ng ganung show. Ang sexy talaga ng crush ko, malaking pwet, malaking boobs, ang kinis ng balat, ang ganda ng mata, tangos ng ilong. Hindi naman ganyan si Mariel, hindi malaki ang pwet, katamtamang boobs, morena pero makinis, hindi naman pango, hindi din ganun katangos, pero mas gugustuhin ko pang titigan si Mariel kaysa sa crush kong ito. Anak ng tipaklong. Tumuba ang antenna sa bubong. Nawala ang pinapanood ko, teka patayin muna ang telebisyon at aakyat ako sa bubong.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento