Sabado, Hunyo 25, 2011

XI. BABASAHIN MO BA O DEDEDMAHIN MO LANG? [MINSAN LANG AKO MAGPARAMDAM]

Halos 2 linggo din silang nawala. Kaso hindi ganun kaganda ang kita nila sa probinsya. Hindi masyadong maganda ang ani nila, kaya wala masyadong kita. Matatapos na ang sem, pero bagsak ako. Natuon sa trabaho ang focus ko, hindi naman sa sinisisi ko si Mariel. Ang hirap pala magtrabaho sabay mag aral. Bilib na ako sa sarili ko dahil naiisip ko na, may pera na ako, kumikita na ako, okay na hindi na mag-aral. Pero hindi pala. May katapusan lahat ng bagay sa mundo, kahit tong trabaho ko, hindi ko alam kung baka bukas mapa away ako sa isang customer na tarantado at tapunan ko sya ng kumukulong gravy sa ulo at isampal sa kanya ang pinaka malaking burger namin at ihambalos ko sakanya ang mascot ng bubuyog na malusog, sasampalin ko sya ng pera yung mamiso na galing sa cashier at yun masisibak ako ng di oras ng manager ko.
Pero hindi naman ako brutal. Hindi ko nga nagawang makipag suntukan noong elementary ako, puro lang amba, o kaya naman kapag papahawak ang tenga ng nang aasar sa akin, hahawakan ko sabay takbo o kaya naman magsosorry agad ako kapag inaambahan na ako. Nabully ako noong nasa elementary ako, kahit nung high school na, yung mga hayop na mas senior sa amin yun pa ang mahilig umaway ng freshmen. Kukunin ang bag namin, dahil nga maliit lang ako gagawin nilang pabitin ang bag ko, umiiyak na ako at sinusuntok na sa tyan yung nangtitrip sa akin, pero bale wala lang. Ngayon kapag nakikita ko sya tinatawanan ko na lang. Dahil ako college na, sya high school lang ang natapos. Hindi ko naman sa minamaliit ang mga high school, kung tutuusin madami sa kanila ang dapat mabigyan ng scholarship para magpatuloy sa kolehiyo.
Mamaya darating na siguro ang Nanay at Tatay, nakabayad na din ako ng kuryente. Okay na may kuryente na dito. Nakakanood na ako ng tv kahit de antenna lang at malabo, naka higa lang ako sa sahig, ang lamig sabay pa ang pag ulan. Maka panood nga ng dvd, na nabili ko sa halagang P20 isa, P100 lima. Ayos! Malabo ang napapanood ko sa tv na de antenna, malabo din ang dvd na kuhang sinehan pa at may tumatayong anino. Paano kaya nakakalusot sa sinehan ang kumukuha nun? Siguro ka kontsaba nya ang ilan sa guard at yung staff sa taas na nag pe-play ng movie. Pati yung tawanan ng tao narecord na din. Pati yung pag tayo ng anino nakuhaan na din. Pero sulit na din dahil sa halagang P20 parang nakapanood na din ako sa sinehan. Kahit walang 3D shades ay 3D na tong pinapanood ko, pero hindi ko matagalan. Kahit pilitin kong lakasan ang volume at ilapit ang tenga ko sa speaker, hindi ko padin maintindihan. Tunog lata.
Sasapit na ang alas diyes ng gabi wala pa sila. Medyo inaantok na ako, nagtimpla na lang ako ng kape at may tira namang paborito kong pandesal yun na ang kinain ko. Naghapunan naman ako pero gutom padin ako, bumili ako kanina ng Ma Ling sa tindahan, may natira naman yun na lang ang pinalaman ko sa pandesal. Kahit paano pala dapat akong matuto magtipid lalo na sa hirap ng buhay.
“Anak, buksan mo tong pinto”
Nandyan na sila. 
Pinagbuksan ko sila ng pinto, mukha silang pagod pero nakangiti. May dalang isang bata, anak daw ng pamangkin nila, bale anak to ng pinsan ko, matatawag na din nya akong tito. Babae sya, maputi, maliit, mahaba ang buhok, hindi palangiti. Kinarga ko sya hindi sya umiimik, para wala lang, parang feeling nya lumilipad sya. Hindi ko muna tinanong kung ano ang pangalan nya, mas gusto ko muna makipaglaro sa kanya. Mukha hindi din sya nagsasalita kaya hindi ko na kinausap, may hawak syang manika, ayon hinawakan ko at nagboses babae ako, pero hindi naman boses babae, inipit ko lang ang boses ko at kunwari nagsasalita ang manika at kausap sya ng manika nya. Nakakatuwa dahil napapangiti sya at tumatawa. Bigla nya akong niyakap at tinawag nya akong kuya. Ito ang unang beses na may tumawag sa aking kuya at napatahimik ako. Madami ng bata ang tumatawag sa aking kuya, pero walang epekto. Pero nung sinabihan nya akong kuya, natulala ako. Ang saya lang sa pakiramdam. Buong buhay ko naghahanap ako ng kapatid na lalaki, pero binigyan ako ng batang kapatid na babae. 
Kapag nag iisa kasi ako, at may problema wala akong makausap. Ang lungkot ng pagkabata ko lagi lang akong nasa bahay, kalaro ang mga laruan. Kaya siguro minsan naiisip kong kaya kong kausapin ang laruan. Kaya kong kontrolin ang laruan. Malungkot talaga as in. Bigla na akong tinawag ni Nanay sa kwarto, may sasabihin daw sya.
“Anak, alam mo namang wala na kaming trabaho, hirap na din ang Tatay mo, hindi din kami kumita sa probinsya, anak alam kong pangarap mong makapagtapos, alam kong mataas ang pangarap mo, may tiwala ako sayo na kaya mong abutin yan, ang problema ko lang ang problema namin ng Tatay mo ay wala ng pera anak, baka…”
Tumulo na ang luha ko, alam ko na ang kasunod, hihinto ako sa pag-aaral. Natatakot ako baka hindi na ako makapag tapos. Baka hanggang dito na lang ako. Hindi ko matanggap, ang gulo na namin ni Mariel, may panibagong bad news. May natira pa akong pera, kahit hating gabi aalis ako. Maglalasing. Hindi ko kaya!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento