Naakyat ko na ang bubong. Nakabagsak ang antenna bakit kaya? Baka may lumipad na mananaggal? Sa baba ng lipad nya nabangga nya? Ano ba tong iniisip ko puro katatakutan kaya siguro ako nanaginip ng nakakatakot kagabi. Giniginaw ako kagabi. Kung giniginaw ako, isa lang ang ibig sabihin. Malakas ang hangin kagabi. At dahil malakas ang ihip ng hangin kagabi, iyon ang dahilan bat natumba ang antenna, at siguro yun din ang narinig kong sigaw kagabi. Pero paano magiging sigaw yun? Bahala na ang buong lahi ng mga superhero. Nakadungaw na sa kalangitan si Haring Araw, kinakalat na ang sinag ng araw sa apat na sulok ng daigdig. Para gisingin ang mga taong tulog gamit ang init ng liwanag nya. Sabi ni Nanay, masama daw kapag tanghali na gumising dahil hinakbangan ka na daw ng araw at nalagpasan ka na ng biyaya. Mas may biyaya nga kung tanghali ka gigising eh, may tanghalian na! Kaya naman ako napupuyat dahil sa manok ng kapitbahay namin, ala una pa lang ata ng madaling araw titilaok na, syempre mababaw lang ang pagtulog ko, madali akong magising.
Nakakairita talaga ang tilaok ng manok. Bat yung aso nauutusan ng amo nya na tumigil kumahol, bat hindi magawa ng mga sabungero ng patigilin sa pag tilaok ang manok? Nagliwanag ng lubusan ang kalangitan, napahiga ako sa bubungan, dahil sa ganda ng ulap pinagmasdan ko muna. At may biglang may nagsilipad na kumpol ng mga kalapati na mandadagit na naman ng mga iba pang kalapati. Si Berto ang nagpalipad ng kalapati nya, sigurado ako. Kahit medyo may kaitaasan ang lipad nila, na aamoy ko yung amoy ng may ari ng mga kalapati. Si Berto nga pala ay kababata ko. Bata pa lang kami mabaho na sya. Lagi namang pinapaliguan ng magulang nya, likas na ata ang lumalabas na katas sa katawan nya. Kung anong gastos nya ngayon sa pangpakain ng kalapati nya, yun naman ang pagtitipid nya sa pambili ng sabong panligo.
Kailangan ko ng itayo tong antenna, para kahit paano naman makanood ako ng hindi nahihirapan ang mata ko, at makapanood saglit ng palabas, kasi sa twing pag uwi ko. Magliligo lang o kaya mag papalit ng damit sabay tulog na sa kwarto. Quality time ko na tong panonood sa umaga at nag aastang hari ako ngayon wala naman sila kaya okay lang. Pero pagbalik ni Tatay at Nanay, sila na naman ang batas at ako ang alipin na dapat sumunod. Medyo mabigat tong tubo na ginamit bilang stand ng antenna, naitayo ko naman pero bahala na kung bumagsak ulit, itatayo ko na lang o kaya hahayaan ko na lang dahil mauubos lang ang oras ko sa pag aayos, mas mabuti pang maligo na lang ako sa muling pagtumba nito. Bababa na ako. Sa lahat ng pwedeng tamaan ng malas ngayong umaga, ako ang nabahagingan ng kamalasan. Sumabit ang pinaka paborito kong short. Ito ang short na binili ko noong unang sweldo ko. Syempre yung ibang natira sa magulang ko agad binigay. Wala kasi akong short na nasusuot, puro boxer lang. Ang pangit naman kung lalabas ako ng bahay na naka brief at boxer at tshirt at sapatos ang suot. Teka may naririnig ako. *Te tetet tetet, tetet!* (Text message tone ng 3310)
“Mayor pala ang palayaw mo, hehe. Mayor na din itatawag ko sayo, sige papasok na ako, kita kits na lang mamaya huh. May bakanteng klase ka naman diba, usap tayo, kwentuhan kita. :)”
Feeling ko ako ang chicks. Ang aga nya pumasok, medyo malayo kasi ang bahay nila sa school, kaya minsan kapag maaga akong pumasok, sya pa lang ang nakikita kong estudyante at ako. Para bang nagdadahan dahan ang oras at bumubuhos ng bulaklak ang langit, at papalapit ako ng papalapit sa kanya. Ito na nga ang pagkakaton para masabi kong mahal ko sya. Pero syempre sa isip ko lang yon, nagka girlfriend naman ako dati, bat ngayon ako natotorpe. Ano ba kasing meron sa babaeng to bat gusto ko sya? Dahil ba gusto ko matuto ng Taekwondo? O makatikim ng sipa ng isang black belter na tulad nya? Isa sa pinaka mahirap na kalaban sa buhay…Ang sarili. Basta mahal ko sya, darating din ang gintong araw na masasabi ko to sa kanya, sa harapan nya. Ayaw kong magisip ng kaya ko, mahirap din umasa sa sarili, basta gagawin ko hindi ko lang sasabihin sa sarili ko. Teka nagugutom ulit ako, may natira pang tinapay. Tapos mamaya maya papasok na ako. Tapos papasok sa trabaho, tapos mapapagod. Tapos kasabay sya pauwi, sulit wala ang pagod!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento