Ayaw ko talaga mag kwento tungkol sa buhay ko bilang estudyante. Para kasing nasa isa akong piitan. Siguro nga mahina ang isipan ko sa apat na sulok ng paaralan, alam ko naman mamuhay sa apat na sulok ng mundo. Wala namang sulok ang mundo? Hindi din naman flat ang mundo? Sino ba nagsabing flat ang mundo? May sira siguro ang tuktok nun. Noong bata nga pala ako gusto ko maging isang astronaut at mapuntahan ang buwan. Ang tanging nagbibigay ng liwanag sa gabi. Pero sabi nila isang palabas lang ang pag lapag ng Apollo 11 Mission. Hindi daw totoo yon. Sa isang studio lang daw ginawa yon. Kung totoo nga ang paglapag ng tao sa buwan, bat ngayon hindi nila ginagawa? Gaano ba kahina ang gravity sa buwan? Baka malakas ang radiation kaya hindi pwede makapunta ang tao? Bahala sila, basta ang pangarap ko noon ay ako ang maging kauna unahang astronaut na Pinoy. Syempre ilalagay ko ang watawat natin sa buwan. Sikat ako nun, pero paano kapag ininterview ako ng mga american press. Patay. Pengeng translator. Parang Miss Universe ako ah, magdadala pa ako ng translator ko. English daw ang pinaka ginagamit ng lenggwahe sa mundo. Dolyar na din ang perang umiikot sa mundo, baka isang araw Amerika na din ang mamuno sa buong sangkatauhan. Nakakatakot. Paano na tayong mga Pinoy. Magiging alila na lang nila kasabay ng iba pang lahi?
Naging sakop nga pala tayo ng mga Amerikano dati, pumasok ang mga imported goods, binigay din nila sa atin ang karapatan ng pag aaral. Tinuruan ang mga unang Pilipinong nakapag aral kung paano ipalakad ang bansan. Naging base militar ang Subic, nahawaan tayo ng pagiging western. Mula sa pananamit, pananalita, at pananaw. Naimulat tayo ng Amerika sa mundong makabago. Pero kaya naman natin maging maunlad kahit wala sila. Kaso wala na nga ang mga mananakop, sinasakop naman tayo ng mga mandarambong na politiko, nag iiwan ng takot sa mga tao. Dahil sa kaban ng bayan, sila ang nananalo sa eleksyon. Ginagamit ang pera at kapangyarihan para maghasik ng katatakutan. Kung hindi ka susunod malamang papatayin ka. Minsan naman sasaktan ka ng todo, dahil sa sobrang sakit daw mas gugustuhin mo pang mamatay. Nakwento sa akin ni Nanay at Tatay ang dinanas nila sa Martial Law. Parang hindi daw Pilipino ang turing sa kanila. Mas masahol sa hayop ang mga ginawa sa kanila. Kaya pala kapag tinitignan ko ang kamay ni Tatay, kulang ng isang daliri at wala ng kuko. Binunutan daw sya ng kuko dahil pinapaamin daw sya kung isa syang NPA, dahil tumanggi sya, pinutol na ang hinliliit nya. Si Nanay naman daw, kinuryente ang suso nya, kahit babae sya sinuntok daw sya at hinampas ng armalite sa tagiliran. Ang hirap ng nung mga panahon na yon. Pasalamat daw ako at nasa makabagong panahon na ako, pero hindi padin daw talaga malaya.
Gutom na ako, tapos na ang klase. Susunduin ko na si Mariel sa klase nya sana nandun pa sya. Lakad mula building 1 hanggang building 3. Medyo malapit lang. Lakad na. Madalas kong kinakausap sarili ko. Nakakatawa. Wala kasi akong kapatid, walang mapagsabihan ng problema, kapag nalulungkot walang makakausap. Minsan si Tatay na lang ang kinakausap ko, usapang lalake lang. Pinapayuhan nya ako kung paano manligaw. Wag ko daw idaan sa bulaklak at tsokolate, pakitang tao lang daw yon. Kung manliligaw daw, wag kong ililigaw ang babae. Ipakita ko daw kung sino ako, kaya ito ako. Pero hindi pa naman ako nanliligaw kay Mariel. Nag iipon pa ng lakas ng loob.
“Uy Mariel, buti nandyan ka pa, akala ko umalis ka na eh. Sabay na tayo puntang work.”
“Syempre hinihintay kita, alam mo namang sayo lang ako sasama”
Kinikilig ako, nakanampucha! May natirang pera ako, ililibre ko na lang sya ng pamasahe. Ganito kami kapag may klase, pagdating ng hapon, sasakay na ng jeep at didiretso sa trabaho. Minsan lang ako manlibre ng pamasahe, nakangiti na naman sya sa akin. Medyo may kalayuan ang pinagtatrabahuan ko sa school, ang hirap naman na maglakad kami at ang init init. Amoy lungad na nga ako ng baby, amoy pa akong bungang araw. Parang bonus na sa akin ng araw na bigyan ako ng matinding amoy. Ang init init sa Pilipinas. Ayaw ko namang maging kasing lamig ng tulad sa Amerika, hindi ko naman kakayanin yun. Okay na to. Okay na okay, kasama naman sya eh.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento