Nakikita ko yung ngiti nya sa labi, naririnig ko yung bawat halakhak nya sa bibig nya, pero may nakikita akong kakaiba sa mata nya. Hindi sya masaya. Ngayon ko lang nakita na ganito sya. Ano ba dapat kong gawin? Tama nga si Nanay, na mata ang bintana ng kaluluwa. Kaya mo daw itago ang nararamdaman sa pamamagitan ng pagngiti at ipakita sa lahat na wala kang problema, pero kapag nakita na daw ang mata mo, malalaman na may problema kang dinadamdam. Nako, hindi ko alam ang gagawin. Hindi naman ako sure sa ibibigay kong payo na naranasan ko sa problema ko, hindi dahil pareho kami ng naging problema, hindi padin pwedeng maging solusyon nya ang solusyon ko. Iba ako, iba sya. Hindi payo ko ang kailangan nya. Siguro mas okay na alam nyang nandito ako para sa kanya, at anytime na gusto nyang umiyak ako ang “Shoulder to cry on” nya. Para bang “knight in shining armor” nya ako. Ako ang magtatanggol sa kanya sa oras na may nanloko sa kanya. Pero kaya na nya sarili nya, black belter sya. Ako pang away bata lang ang kaya kong suntukan, hindi ako nasanay sa suntukan. Kahit mahilig ako mang away noong elementary, tapos high school, at medyo nitong college. Inaamin ko, mukha akong tanga makipag suntukan. Naging suki ako ng guidance counselor, naging suki din ako ng sermon ng teacher ko. Nakakapagod ding makipagsuntukan, tapos talo ka pa din. Parang sa problema, pinipilit mong labanan matatalo ka lang ding. Naiiyak ako kapag nakikita ko ang mga taong mahalaga sa akin na may problema. Pero kailangan ko munang siguraduhin kung may problema talaga si Mariel.
Lumapit ako at nag salita.
“Mariel? Okay ka lang ba? Alam ko tumatawa ka, at trip mo akong pagtawanan, pero alam ko at ramdam ko may problema ka, pwede ko bang malaman?”
Napatingin sya sa akin at sinagot ako ng pabalang.
“Kahit sabihin ko sayo hindi mo masosulusyonan!”
Mahinahon kong sinabi sa kanya.
“Kahit naman wala akong magagawang solusyon, tandaan mo, sa pagharap mo sa problema mo hindi ka nag iisa. Nandito ako at..”
Natigilan ako at hindi ko na masabi ang salitang “Mahal kita” Hindi ito ang tamang oras. Pero nasabi ko na ang dapat kong masabi. Naibigay ko na ang parte ko. Hindi ko sya iiwan kahit ano pang daluyong ng problema ang dumating, gaano man kalakas ang alon ng problema na gusto magpabagsak sa kanya, aalalayan ko sya at poprotektahan. Minsan iniisip ko na, ang hirap isugal ang lahat sa taong hindi ka pinapahalagahan. Pero hindi ako dapat umasa. Kung ano ang nararamdaman ko, ipapakita ko. Hindi ako naghahangad ng pag-ibig nya, o kahit onteng pagtingin. Tanggap naman daw nya ako, pero hindi ko alam ang lagay namin. Sya mahal ko, ako ewan ko kung ano ako sa kanya. Hindi naman ako umaasa. Hindi din ako magpapaasa, hangga’t ito ang nararamdaman ko, ipagpapatuloy ko. Kung sabihin nyang ayaw nya sa akin, siguro ito ang tamang oras para bumitaw ako, at hayaan ko munang malibang ang sarili ko sa realidad ng buhay na hindi lahat tanggap ng iba, hindi lahat handang maging patas, hindi lahat handang magbigay ng inaasam mo, hindi lahat ng inaakala mo totoo, hindi lahat ng nasa isip mo mangyayari.
Umalis bigla si Mariel, umiiyak. Hindi ko naman alam ang gagawin ko. Ang tanga ko. Hayaan ko na lang sya, baka mabadtrip sa akin ng tuluyan. Baka mamaya okay na sya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento