Teka. Paano nya nalaman ang palayaw kong Mayor? Parang isang kweba na hindi mo matatanaw ang lihim kong ito. Yung mga gago lang dito sa amin ang tumatawag na Mayor sa akin, ibig sabihin gago si Mariel? Hehe takot ko lang baka makatikim ako ng isang matinding sipa galing sa kanyan. Di bale mamaya itatanong ko sakanya bat nalaman nyang Mayor ang tawag sa akin. Naiinis ako sa sarili ko ang bagal ko kumilos, kung mabilis naman napapagod ako at magpapahinga agad. Wala namang tama ang baga ko, hindi naman ako nagyoyosi, para manghina agad ang baga ko. Kapos talaga ako palagi sa hinigan. Speaking of hininga, naalala ko nung grade 4 ako. May katabi ako, playmate/seatmate/classmate ko sya. Lagi syang may laruan na dala, eh ako wala. Dahil hindi naman kami mayaman. Sya at may magulang sa Gitnang Silangan, kaya laging pinapadalhan ng pera at laruan at mga bagay na gusto nya. Hindi naman ako naiinggit noon, natatanong ko lang sa Diyos bat hindi sya patas, naranasan ko nang magtampo kay Papa God. Sinabi ko yun kay Nanay, pinala ako. Mali palang magtampo sa Diyos, kung ano ang binigay sayong kapalaran tanggapin mo. Dahil lahat ng bagay daw sa mundo ay may dahilan, at ang bawat dahilan daw ay Diyos lang ang tanging nakakaalam. Sa pagkakaalam ko, ang kaklase kong yon ay Unico Hijo. Kaya lahat ng luho nya nabibigay, ako din Unico Hijo, pero masaya kahit hindi nasusunod ang luho. Lagi syang may almusal, pero paborito daw nya ang sinangag. Kaya sa twing mag uusap kami kapag darating sya sa school, nakatakip na ang bibig ko. Kasi nga amoy bawang. Mas mabuti pa palang walang trabaho ang magulang mo, pero lagi silang nandyan para linisin ang katawan mo at turuan ka ng tamang asal. Pero sya wala ang magulang nya dito, hindi sya na aasikaso, kaya pala nakakalimutan nyang mag toothbrush. Proud ako kay Nanay ko, kasi araw araw nya akong tinu-toothbrush.
Nakakatawa ngang isipin, hanggang 1st year, pinapaliguan padin ako ng Nanay ko. At ang Tatay ko ang nag iigib ng tubig, pero nagagalit. Ang laki ko na daw dapat matuto na ako maligo mag isa. Paano daw paglaki ko? Sabi ko na lang sa isip ko, “Eh di papaliguan ako ng asawa ko, masaya ata yon” Punong puno ng kapilyuhan ang utak ko, siguro dahil curious ako sa mga bagay bagay. Makaligo na nga.
Habang binuksan ko ang gripo at hinahanap ang sabon, napansin kong mahina ang tubig. Nakanampucha! Nagmamadali ako, saka naman hihina ang tubig! Ano to?! Lokohan!? Gusto kong sumigaw ng “ANG HINA NG TUBIG!” pero kahit isigaw ko yon, mahina padin ang tubig. Sa daming paliwanag ng Nanay ko at ang Tatay ko ay tango ng tango lang kay Nanay para hindi mag away. Lahat ng bagay binibigyang kahulugan ng Nanay ko. Ang sabon daw dapat tandaan ko, hindi lang bilang tagalinis ng katawan, isa daw tong simbolo na dapat laging maging malinis, hindi lang sa katawan, kung hindi sa isip, at mag hugas daw ng kamay palagi, para hindi madumi ang kamay, at gamitin ang kamay para sa kalinisan. Kung maglilinis ako ng basurahan para sa kalinisan, eh madumi na kamay ko. Pero astig din si Nanay, dami talaga nyang pinaliwanag na bagay sa akin. Si Nanay lang kasi ang madalas kong kasama, si Tatay nag gagala lang, nag gagala sa paghahanap ng trabaho kahit may katandaan na sya. Madiskarte pa kay McGyver ang tatay ko. Simpleng kutsara magagawa nyang polseras, simpleng sintas magagamit nya para maging sintron. Kay Tatay siguro ako nagmana, hindi kasi sya masalita, lahat ng bagay na gusto nya, dinadaan nya sa pagtatrabaho o kaya naman hahayaan nya munang may magtanong sa kanya, bago nya sabihin ang nasa isip nya. Sa wakas! Lumakas ang tubig! Teka maliligo lang ako.
*Makalipas ang 15 minutos*
Feeling fresh! Magbibihis na ako ng uniporme ko at papasok na. Kilos marino mode.
Ready na lalakad na ako palabas, pero teka mag ko-cologne muna ako para amoy baby pagdating ko sa school. Larga! Labas bahay. Lock pinto. Lakad. Hanap tricycle. Wala. Lakad sa ruta ng jeep. Wala padin. Lakad ng ilang kanto. Naks! Nakasakay na din. Ano ba tong katabi ko, natutulog sa balikat ko, kababaeng tao amoy alak at amoy suka. Eew. Kaya ayaw ko uminom baka hindi ko makontrol ang sarili ko at malasing ako ng todo, pag uwi ko yari ako sa sermon ng magulang ko. Medyo malapit lang sa amin ang school, ayaw ko maglakad, ayaw ko pag pawisan, syempre nag handa ako para makita ang mahal kong si Mariel. Ayaw kong pagkita nya sa akin, umagang umaga mukha ng tanghali ang pakiramdam ko.“Para!” sabi ko. “Gago! Hindi ka pa bayad, papara ka na agad!” sagot ng drayber. “Ay sorry po, ito pong bayad” Makakalimutin talaga ako, nakakahiya baka isipin ng tao, isa ako sa 123Gang na lumilibot sa buong bansa na ang tanging modus operandi ay sasakay ng jeep at hindi magbabayad.
Tada! School na. Pagpasok ko palang aninag ko na sya na nakaupo sa may bench na malapit sa room na pinapasukan namin sa unang subject, pag lapit ko pinaamoy ko ang damit ko at buong yabang kong sinabi na “Amoy baby noh?” napangiti sya at sumagot, “Amoy baby, lungad ng babay” sabay tawa okay lang na inokray nya ako yung tawa naman nya ang nagpaganda sa araw ko. Bwisit yung katabi kong babae, kaya pala ako nag amoy lungad ng baby.
Tada! School na. Pagpasok ko palang aninag ko na sya na nakaupo sa may bench na malapit sa room na pinapasukan namin sa unang subject, pag lapit ko pinaamoy ko ang damit ko at buong yabang kong sinabi na “Amoy baby noh?” napangiti sya at sumagot, “Amoy baby, lungad ng babay” sabay tawa okay lang na inokray nya ako yung tawa naman nya ang nagpaganda sa araw ko. Bwisit yung katabi kong babae, kaya pala ako nag amoy lungad ng baby.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento