Sabado, Hunyo 25, 2011

III. BABASAHIN MO BA O DEDEDMAHIN MO LANG? [MINSAN LANG AKO MAGPARAMDAM]

Nakanampucha! Panaginip lang pala! Bigla akong napabangon. Sumilip sa labas. Tinignan ang maskara, baril at balisong. Wala naman don. Pero ang balisong ko nakapkap ko sa pantalon ko. Tinignan ang sobre na puno ng pera nandun padin. Alas 5 na ng umaga. Pero ala una pa ng hapon ang klase ko, hindi na ako makatulog dahil sa naramdaman kong kaba at takot sa panaginip ko na hanggang ngayon ay akala ko totoo. Inangat ko ang kutson ng kama, nakita ko ang mga barya na pinapasok ko sa butas ng kama, naka trenta din ako. Ang bente pinambili ko ng tinapay ang 10 pang pasa load para matext ko si Mariel. Yes! May load na din ako sa halos 3 linggo na inaagiw ang cellphone ko na pwedeng pamalo sa magnanakaw o kaya naman pangalso, pwede ding gawing tsinelas matibay parang Islander. Pero wala akong Islander na tsinelas. Puro lang Rambo. Simula pagkabata pa lang ay Rambo na ang tsinelas ko. Kahit medyo nagkakalyo ako sa paa sige lang, suot lang. Madami na kaming pinagsamahan ng tsinelas kong ito. Hindi naman ako kalakihan kaya hindi din lumaki ang paa ko. 3rd year high school pa ako ito nang suot kong tsinelas ang ginagamit ko. Hindi naman kasi ako gala, kaya nakatambak lang ang tsinelas ko. Ilang hakbang pa malapit na ako sa panaderya. Paghakbang ko sa hagdan, napatid ang tsinelas ko. Parang magugunaw ang mundo ko, sa tagal tagal ng pagsasama, bigla na lang syang masisira. Bigla akong napaisip paano kung papatagalin ko pa ang nararamdaman ko kay Mariel. Baka masira din kung tatagalan ko pa. Di bale na. Bili agad ako ng bente pesos na pandesal, at astig ang panaderyang to, hindi lang load ang tinitinda pati load meron na din. Nagpapasaload ako ng 5 piso. May dagdag na 3 pesos, bale 8 lahat ng bayad ko sa load. Abot ng 30, sukli ko ay 2 piso. Anong mabibili ko dito? Yosi? Hindi naman ako nagyoyosi. Okay na, may load na ako. Ipapasok ko na lang ulit tong barya ko sa kama pagkabalik ko sa bahay.
Naglalakad akong hawak ang isang tsinelas sa paa. Naisip ko lang bat pa dinadagdagan ng mga nagloload ang bayad sa load. Kung 30 pesos na load o economy ang ipapaload mo, halos 26 pesos lang ata ang nababawas sa pinaka load ng phone. Di bale may 4 kang tubo. Pero imba lang ang 30 nagiging 35, 9 ang tubo. Nakanampucha talaga. Basta usaping pera madaming sakim. Parang manager ko sa pinagtatrabahuhan kong fast food chain na may mascot na bubuyog na malusog. Laging check ng check ng kaha, at minsan nagpapabayad pa ng kung anu-anong shit. May team building daw, P200 isang tao, at P50 isang shirt. Eh sa pagkaka alam ko, libre na ang shirt. Kasi may isang manager na ang nagpledge na sya na ang bahala sa tshirt. Pero tuso tong si Hudas na manager. Bahala na, gawin na lang nyang pamasahe sa impyerno ang naipon nyang tig sisingkwenta pesos sa amin. Masusunog din naman yon pag dating nya sa impyerno. Biglang may kumahol na aso. Patay. Takot ako, ang aga aga, hinihingal na ako at ramdam ko na ang adrenalin sa katawan ko. Fight or flight? Bwisit, flight! Hinubad ko na ang tsinelas ko sabay takbo. Mas okay nang gawin nyang pang almusal ang tsinelas ko kaysa sa katawan ko. Nakadating ako sa bahay, pinasok ang barya sa kama, nilagay ang tinapay sa mesa, chineck ang phone.
Nakahanda na ang tubig na mainit, timpla ng kape, papaliguan ko na ang pandesal sa kape. Onga pala. Tetext ko na si Mariel
“Gud am, hmm. Kta n lng tau l8r s w0rk, kung gsto mo sbay tau ulit pauwi? Hehe. Kain na almsal, wg plpas g2m.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento