Biglang umalis si Mariel, nakasimangot sya. Pero ako naman pinagbuksan ko pa sya ng pinto at sabay kaway. Hindi ko talaga maintindihan kung ano ang biglang nagpaiba ng mood nya o kung anong dahilan bat parang sobrang galit sya. Para lang pala akong tanga sa ginawa ko, imbes na amuhin ko sya pinagbuksan ko pa sya ng pinto. Hindi ko na din nagawang ihatid sya sa sakayan ng pedicab. Binabagabag kasi ako ng tawag ni Mirz parang gusto ko ulit syang ligawan, pero may mahal na akong iba, ang lakas lang talaga makatukso ng sinabi nya, ako naman parang si Eba na kakagat sa mansanas. Pero hindi pwede tong mangyari, ayaw kong mawala si Mariel sa akin, pero wala naman talagang kasiguraduhan kung sa akin talaga sya. Bahala na araw araw namang nakikita ko sya, ang problema lang hindi ko talaga masabi sa kanyan ng diretsahan kung gaano ko sya kamahal, at hindi lang yon, pati yung intensyon ko bat gusto ko sya maging girlfriend, mahirap daw magkaroon ng relasyon lagi sa aking sinasabi ng mga kapitbahay kong kababata ko dati pero may mga anak at asawa na. Kapag napasok ka daw sa isang relasyon parang isang selda na kulong ka daw at ang tanging paraan daw para makawala ay kung makikipag break ka. Kung hindi ka naman daw makikipag break ikaw na ang bahala kung kakayanin mo ang parusang ibibigay sayo ng mahal mo. Kadalasan daw kasi sa babae bossy daw, sila daw ang dapat masunod, kung ano ang gusto dapat ibigay. Sa palagay ko naman hindi naman ganun si Mariel kung magiging kami, baka sya pa ang ang magbigay nang magbigay sa akin, dahil alam nyang hindi kami mayaman. Baka bilan pa ako nun ng mga gusto kong damit at sapatos, nakakahiya nga lang, baka isipin nyang mukha akong pera. Tinext ko na lang sya.
"Nsn knb? Ingat k.."
Hindi sya nagreply, ganun naman talaga ang babae kapag galit sila hindi sila iimik kung tatanungin mong okay lang sila, sasagot na okay lang sila. Sa kaloob-looban nun gusto ka na nilang buhusan ng kumukulong mantika. Nagtataka lang ako bat ko pa pala itatanong sa kanya kung okay lang sya kung alam ko namang hindi, para namang katangahan yung tanong na yun. Baka lalo lang mag-init ang ulo nya. Kaya kapag ganito na ang sitwasyon, hinahayaan ko na muna na lumamig ang ulo nya saka ko sya itetext ulit. Pero kung wala talagang reply, hindi ako mag-iisip na wala syang load dahil naka plan daw sya, galit lang talaga yun kapag ganun na ang nangyayari. Kung itetext ko sya ng itetext at paload ako ng paload siguradong ubos ang load ko. Biglang may naghagis sa akin ng isang supot na may lamang bagong lutong pandesal---si Tatay pala. Si Neneng naman tuwang tuwa dahil may pandesal na naman na isasawsaw nya sa mainit na kape. Ang bata bata pa lang nya mahilig na sa kape, wala namang magagawa wala kaming pambili ng gatas kaya kape muna ang iinumin nya. Kung meron namang pera bibilan namin sya ng gatas. Hindi na nga pala ako pumapasok sa trabaho ko, ayaw ko na doon, yung manager ko sobrang bossy at daig pa yung may ari ng branch namin kung makapanermon. Buti pa yung may ari nun, kapag pasko bibigyan kami ng hamon, kapag naman pasukan school supplies para daw sa mga kapatid namin, kapag pyestang patay wala sya nasa simenteryo pinupuntahan nya ang asawa nyang matagal ng yumao.
Tiitiitit tiitiit tiitii tiit.
May nag text!
"I'm home. Bye"
Natuwa na din ako kahit pa parang ampalaya shake ang lasa ng text nya sa akin. Hindi ko na lang nireplayan, away lang ang aabutin nun. Alas kuwatro na ng hapon, hindi naman na ganun katirik ang araw at puro ulap ang matatanaw sa langit, umakyat ako sa bubungan at tinignan ang mga kalapati na pag mamay ari ni Berto yung kababata ko na mabaho kahit maligo pa. Humiga ako sa bubungan at nakatingin sa langit, nangangarap ako na kasal na kami ni Mariel at sinabi ko:
"Mariel Punongbayan"
May kasamang action na wari ba'y pinunasan ko ang langit habang binabanggit ko ang pangalan nya na kasama ang aking apelido. Libre lang talaga mangarap wag nga lang aasa ng sobra, masakit kaya masaktan sa pag-ibig sabi ni Berto, para daw yang kalapati na aalagaan mo, papakainin, bibigyan ng tirahan, pero kapag nadagit ng iba, ang sakit lang. Syempre saan pa ba nya maihahalintulad ang lahat ng bagay kung hindi sa kalapati.